00:00
- The New Builder
- 1 day ago
- 1 min read
By: v

Graphics by: Cassius Klai C. Francisco
Madalang lang kitang maisip bandang ala-una
Kumakain kasi ako no'n, lunch kasama tropa
Pag alas dos naman, balik gawain na
Susulat ng report, o babalik sa Mapúa.
Alas tres matatapos 'yung isang oras na klase
Pero mamaya pa ako uuwi, pagsabit ng gabi
Pagdating ng alas kwatro, tatambay sa tabi
Hindi pa din kita naiisip, busy din kasi.
Pababa na ang araw mga alas singko,
Siguro nag-iimpake na ng gamit ko,
Alas sais, baka andun na ako sa Recto,
Pasakay na ng tren pabalik sa Antipolo.
Kakain na ulit hapunan bandang alas syete
Tapos magpapahinga, maglalaro ng kaunti
Alas otso ng gabi, balik gawain na uli
Maya-maya'y hihiga, pipikit ng alas nuwebe.
Kaso bakit 'ganon, hindi ako makatulog
Alas diyes, bigla akong binubulabog
Ng mga alaala kung paano ako nahulog
Pero walang sumalo, nasaktan lang at nadurog.
Babangon ako ulit sa kama, mga alas onse
Susubukang libangin na lang ang sarili
O kaya'y mapapaiisip, anong nagawa kong mali?
Bakit matapos ang lahat, hindi mo ako pinili?
Pagsapit ng alas dose, tuluyan nang susuko
Tatanggapin na lang ang aking pagkabigo
Pero ganon naman ulit bukas, hindi na nahinto
Hihikbi na lang siguro't maghihintay ng patago.



Comments